5/27/18

Poem: Manong

Image from
https://friendsofebonie,com



Kami nama’y nakiusap
Nanikluhod, nagmakaawa
Lubay-lubayan na ang bata
Sa ganang ika’y nakatatanda

Sa ganang iyon na ikaw
Na nasa tamang posisyon
Ay may kapangyarihang itama,
Ilagak ang maayos na desisyon

Subalit sa kapangyarihan
Ikaw ay nangayupapa
Nasilaw sa tawag ng laman
Sa halip na lamanan ng tama

Kami’y nakiusap, malumanay
Na humingi ng kaalwanan
Hindi humangad na pumantay;
Hindi nag-asam sa karangyaan

Tulad nang laksang masang hilahod
Sa libong araw na pagpapagod
Para sa karampot na sahod
Ang hiningi lang ay kakarampot

Tumigil ka na sa pagsasamantala
Ang kinabukasan ay ialintana
Iyon lamang ang pinakiusap
Bakit, ano’t napakahirap

Para sa iyo?

No comments:

Post a Comment